Aabot sa Php15,170,200 halaga ng interbensyong pang-agrikultura ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) sa sampung samahan ng magsasaka ng Calauag, Quezon, noong ika-26 ng Marso.
Ito ay pinangunahan nina DA-4A OIC-Regional Director Fidel Libao at Quezon 4 th District Representative Cong. Keith Micah Tan.
Ayon kay Dir. Libao, ang mga interbensyong natanggap ng mga benepisyaryo ay bahagi lamang ng malawakang programa at proyekto ng Kagawaran. Binigyang diin din niya ang kahalagahan ng maayos na komunikasyon sa pagitan ng mga magsasaka upang hindi magsabay-sabay ang suplay ng mga produkto at masigurado ang mataas na kita para sa lahat.
Kabilang sa mga benepisyaryo ay ang Samahang San Quintin Multi-Sectoral Organization; Samahan ng Magsasaka ng Bantulinao, Calauag Corn Growers Association; Fisherfolk and Farmers Organization of Bangkuruhan, Samahan ng Nagkakaisang Magsasaka ng Brgy. Sto. Domingo; Calauag Vegetable Growers Association; Patas na Samahan ng Maliliit ng Magsasaka ng Niyog sa Calauag, Samahan sa Tunay at Natural na Pagugulayan ng Brgy. Tiniguiban, Calauag; Organic Vegetable Growers Association; at Anahawan Farmers Association.
Tinanggap ng mga nasabing maggugulay, magmamais, at organikong magsasaka ng bayan ang mga binhi, pataba, traktora, pump and engine set, corn sheller, alagaing mga baka, at vermicomposting facility.
Ayon kay G. Virgilio Olviga, Jr., Presidente ng Anahawan Farmers Association, malaking tulong ang mga binhi sa paggugulayan na kanilang natanggap. Aniya, masisiguro na ang sapat na ani at kita para sa kanilang mga miyembro at komunidad.