Tinipon ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) ang 43 Magmamais ng Guinayangan, Quezon sa isinagawang aktibidad na pinamagatang Engaging Partners: Stakeholders Forum for the Corn Model Farm Project cum Corn- Livestock Integaration, noong ika-26 ng Marso.
Layunin ng pagpupulong na mas bigyang boses ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kani-kanilang suliranin sa industriya at lalo’t higit ang pinakamagaganda at mabibisang mga kasanayan sa pagtatanim ng mais.
Sama-samang humarap sa mga Magmamais sina DA CALABARZON Regional Executive Director Fidel Libao at Regional Technical Director for Research. Regulations, and ILD Engr. Redelliza Gruezo; Quezon 4 th District Representative Cong. Keith Micah “Atorni Mike” Tan; Guinayangan Mayor Maria Marieden Isaac at Municipal Agriculturist William Lopez; at Regional Agricultural and Fishery Council Vice Chairman Gaudencio Genil.
Ayon kay Dir. Libao na kasalukuyang ding Corn Program Focal Person, isang Magandang pagkakataon ang kanilang pagsasama-sama upang mailatag ang mga programa para sa pagmamaisan at direktang mapakinggan ang mga hiling, plano, at estado ng industriya partikular na sa bayan ng Guinayangan. Hangad niya na sa pamamagitan ng naturang proyekto ay maipamalas pa ang potensiyal ng mais na higit na kinakailangan ng sektor ng paghahayupan.
Ilan pa sa mga tinalakay na usapin ang Orientation on Corn Model Farm Project; Presentation of Luntian Process and Grain Requirements; at Potential Corn-Livestock Integration na ipineresenta nina Corn Program Alternate Focal Person Arlene Natanauan, Luntian Multi-Purpose Cooperative Chairman Dennis Tumbaga, Livestock Focal Person Dr. Jerome Cuasay, ayon sa pagkakabanggit. ####