Bumisita si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. kasama sina DA Undersecretary Christopher V. Morales, DA Undersecretary Asis G. Perez, DA Assistant Secretary Daniel Alfonso N. Atayde, at DA IV-CALABARZON OIC-Regional Executive Director Fidel L. Libao sa sentrong pamilihan sa Sariaya, Quezon noong ika-19 ng Abril.
Ang Sentrong Pamilihan ng mga Produktong Agrikultural in Sariaya, Quezon ang nagsisilbing lugar na bentahan ng mga gulay at iba pang produktong agrikultural sa Sariaya at sa iba pang karatig bayan nito. Dito ay kinapanayam ang mga magsasakang miyembro ng kooperatiba sa Sentrong Pamilihan upang tingnan ang kalagayan ng kanilang produksyon, kita, at mga pangangailangan sa merkado.
Ayon kay Sariaya Mayor Marcelo P. Gayeta, mula nang magkaroon ng trading post sa bayan kung saan direktang nakakapagbenta ang mga magsasaka ng produkto ay tumaas ang kanilang kita. Kaya naman sinikap ng lokal na pamahalaan na pagtuunan ang pagbibigay ng mas malaking suporta sa mga magsasaka pagdating sa pagmamarket.
Kaugnay nito, tinungo rin sa araw na iyon ang bagong agricultural trading center na kasalukuyang ipinapagawa sa bayan kung saan nangako ng mas maigting na pakikipagtulungan si Sec. Tiu Laurel tungo sa mas ikagaganda pa ng plano para sa mga trading post sa buong bansa.
Aniya, sisikapin ng Kagawaran na makapagbigay ng suporta gaya ng pagdadagdag ng potensyal na mga kagamitan sa trading center para sa pagpoproseso at pagkokonekta sa mga magsasaka sa mga food hub para sa mas malawak na merkado. (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)