Sinanay ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang tatlumpung (30) magpapalay at mga katutubong magsasaka sa sistema ng pagbibinhi para sa produksyon ng upland na palay sa isla ng Burdeos, Quezon noong ika-9 ng Mayo.
Bahagi ito ng layunin ng Kagawaran na siguruhin ang sapat na produksyon ng palay sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga pamamaraan sa pagpaparami ng de-kalidad na binhing palay at mga angkop na teknolohiya sa pagtatanim gaya ng PalayCheck System.
Ayon kay Julito Abenilla, isa sa mga dumalong magsasaka mula sa Brgy. Palasan, malaking tulong ang pagsasanay na ito para malaman, mausisa, at mapalakas ang mga barayti ng binhing palay na akma sa kanilang lugar na umaasa sa sahod ulan.
Tinalakay din sa aktibidad ang iba pang programa ng Kagawaran na maaaring makatulong sa mga partisipante, partikular ang Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K) Program at ang Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program.
Samantala, naisakatuparan ang pagsasanay sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng local na pamahalaan ng Burdeos sa DA-4A. Sa mga nais magkaroon ng kaparehong aktibidad ay maaaring magpadala ng letter of request sa tanggapan o mag-email sa email: ored@calabarzon.da.gov.ph. #### (Danica T. Daluz, DA-RAFIS4A)