Bilang paghahanda para sa wet cropping season ng palay nagsasagawa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Rice Program ng consultation meeting para sa mga lokal na pamahalaan sa buong rehiyon ng CALABARZON.
Isinagawa ang mga naturang pagpupulong noong ika-22 ng Mayo sa lalawigan ng Batangas, ika-23 ng Mayo sa Laguna, ika-29 ng Mayo sa Cavite, ika-30 ng Mayo sa Rizal at ika-4 ng Hunyo sa Quezon.
Ito ay upang talakayin ang mga panibagong alituntunin sa pamimigay ng interbensyon at ang alokasyon nito sa bawat munisipyo, kabuuang datos sa mga ani at tanim na palay noong nakalipas na panahon, kalalagayan at isyung kinakaharap sa distribusyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA), paggamit ng Disaster Risk Reduction and Management Information System (DRRMIS) para sa mas madaling preparasyon ng damage and losses report sa mga sakahan sa panahon ng mga kalamidad, at mga gabay sa pagsubaybay at paggawa ng ulat ukol sa mga peste at sakit sa palayan.
Samantala nagbahagi din ang National Irrigation Administration (NIA), Philippine Rice Research Institute (PhilRice), Philippine Center for Post Harvest Development and Mechanization (PhilMech), at Philippine Statistics Authority (PSA) ng kani-kanilang programa at aktibidad na may kaugnayan sa pagpapalay.
Ayon kay Rice Focal Person Maricris Ite mahalaga ang ganitong pagtitipon upang matalakay at matugunan ang mga isyung kakaharapin sa parating na panahon ng taniman ngayon tag-ulan. Ibinahagi din niya ang kahalagahan ng mga datos na kanilang hinihingi sa bawat lokal na pamahalan. Aniya ang mga datos na ito ang magsisilbing batayan ng mga plano at interbensyon sa mga susunod na panahon ng taniman. #### (Bryan E. Katigbak, DA-4A RAFIS)