Ipinagkaloob ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang tinatayang P26,541,689 kabuuang halaga ng interbensyon para sa mga magsasaka na naapektuhan ng Bagyong Aghon sa unang distrito ng Quezon, noong ika-31 ng Mayo.
Ito ay isinagawa ng Kagawaran sa mga bayan ng Lucban at Mauban; at lungsod ng Tayabas sa pangunguna ni DA-4A OIC-Regional Executive Director Fidel Libao katuwang ang tanggapan nina Quezon Governor Helen Tan at Quezon 1st District Representative Cong. Mark Enverga.
Kabilang sa mga interbensyon ay ang P22,920,000 halaga ng binhi at pataba mula sa Rice Program; P2,322,500 halaga ng hybrid yellow corn seeds at pataba mula sa Corn Program; P859,191 halaga ng binhing gulay at pataba mula sa High Value Crops Development Program (HVCDP); P288,770 halaga ng kalabaw at mga kagamitang pangtanim mula sa Organic Agriculture Program (OAP); at P151,228 halaga ng iba pang pangangailangan mula sa National Urban And Peri – Urban Agriculture Program (NUPAP).
Ayon kay Director Libao, sa gitna ng mga kalamidad ay palaging nakaagapay ang ahensya sa abot ng makakayang mapalitan ang mga nasirang pag-aari ng mga magsasaka lalo na sa mga kagamitan sa produksyon. Aniya, kinakailangan lamang ng aktibong kooperasyon ng mga ito sa pagbibigay ng datos na magmumula sa kani- kanilang agriculture offices.
Nagpasalamat naman ang samahan ng Bato Irrigators Association mula sa Mauban, Quezon na tumanggap ng isang Hand Tractor with Semi-Trailer na ayon sa kanila ay malaking tulong sa pagkokondisyon ng lupa sa panahon ng tag-ulan. Samantala, kasama rin sa aktibidad sina Tayabas City Mayor Maria Lourdes Pontioso, Lucban Mayor Agustin Villaverde, Mauban Mayor Erwin Dwight Pastrana, at iba pang kawani ng Kagawaran at lokal na pamahalaan. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)