Idinaos ng #DACalabarzon ang Ceremonial Hybrid Corn Planting kasama ang 35 magsasaka mula sa Casaca Corn Farmers Association noong ika-7 ng Hunyo sa Brgy. Cabong Norte, Guinayangan, Quezon.
Ito ay bahagi ng Yellow Corn Production Enhancement Program (YCPEP) na layong mapataas ang ani at kita ng mga magmamais at mas maabot ang kinakailangang suplay ng dilaw na mais sa rehiyon.
Bahagi ng programa ang pagtalakay ng kahalagahan ng proyekto, pamamahala ng peste na isasagawa sa maisan, at demonstrasyon ng angkop na paglalagay ng pataba na pinangasiwaan ng Corn Program kasama ang Regional Crop Protection Center (RCPC) at Yellow Corn Model Farm Cooperators.
Ayon kay OIC-Regional Executive Director Fidel Libao na siyang nanguna sa aktibidad, ang mga ibinibigay na interbensyon ay may kaakibat na responsilibidad sa samahan lalo pa at isa itong tinaguriang “model” farm na titingnan ng iba pang magsasaka bilang inspirasyon.
Kaugnay nito ipinamahagi rin ang Solar Powered Irrigation System (SPIS) at iba pang kagamitan sa pagtatanim gaya ng binhi at pataba na lubos na makatutulong sa pagkamit ng adhikain ng proyekto. Malaki ang pasasalamat ni Wilfred Duenas, ang pangulo ng samahan, sa hindi lamang mga tulong sa produksyon na mga kagamitan ang ibinigay ng Kagawaran kundi pati na rin ang mga kaalaman.
Nakiisa rin sa pagdaraos sina Guinayangan Mayor Maria Marieden Isaac at tanggapan nina Quezon Governor Helen Tan at Quezon 4th District Representative Keith Micah “Atty. Mike” Tan kasama ang iba pang kawani ng Kagawaran at lokal na pamahalaan. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)