Nagkakahalaga ng P16,938,366.6 sa kabuuan ang Bio Secured at Climate Controlled Finisher Operation Facility na tinanggap ng tatlong samahan ng mga magsasaka sa Guinayangan, Quezon.

Pormal itong iginawad sa Samahang Bigkis Magsasaka ng Barangay Triumpo, Casaca Corn Farmers Association, at Samahan ng Aktibong Kalalakihan at Kababaihang Magsasaka ng Brgy. A. Mabini noong ika-7 ng Hunyo kasabay ng paglalagda ng Memorandum of Agreement (MOA).

Sa ilalim pa rin ito ng patuloy na implementasyon ng programang Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) na naglalayong suportahan ang mga magsasaka sa pagbangon mula sa epekto ng African Swine Fever (ASF).

Isang maikling programa at ribbon cutting ang isinagawa sa aktibidad na pinangunahan naman nina OIC-Regional Executive Director Fidel Libao, Livestock Program Coordinator Dr. Jerome Cuasay, Guinayangan Mayor Maria Marieden Isaac at tanggapan nina Quezon Governor Helen Tan at Quezon 4th District Representative Keith Micah “Atty. Mike” Tan kasama ang iba pang kawani ng Kagawaran at lokal na pamahalaan.

 

Nagpasalamat si Fidel Pantoja Jr., pangulo ng Samahan ng Aktibong Kalalakihan at Kababaihang Magsasaka ng Brgy. A. Mabini, sa ipinagkaloob na pasilidad na ipinangakong gagawin ang responsibilidad na siguruhin ang pag-iingat dito lalo na pagdating sa kalinisan. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)