Idinaos ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang ikalawang Huntahan sa Kanayunan: A DA CALABARZON-Bagong Pilipinas Town Hall Meeting sa pangunguna ni OIC- Regional Executive Director Fidel Libao kasama ang 120 magsasaka ng Padre Burgos, Quezon noong ika-25 ng Hunyo.
Layon nitong ipahayag ang mga programa at serbisyo ng Kagawaran sa mga magsasaka na naninirahan sa malalayong parte ng rehiyon kaagapay ang Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS).
Tampok dito ang pagpaparehistro ng mga magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at pagbabahagi ng kani-kanilang isyu o tanong sa sektor sa isinagawang open forum.
Ayon kay Aldien Diem na isang magpapalay, bilang isang matanong na magsasaka ay malaking tulong ang pagkakaroon ng ganitong pagkakataon na makausap ang mga kinauukulan at eksperto upang mas maging malinaw sa kanila ang pagbibigay solusyon sa mga problema sa sektor.
Nakiisa rin dito ang Philippine Coconut Authority (PCA) para sa mga magniniyog at Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) para sa pagpapaseguro ng mga pananim, alagang hayop, kagamitan, pasilidad, at iba pa.
Kasama sa mga dumalo sa aktibidad sina Padre Burgos Mayor Ruben Uy Diokno, representante mula sa tanggapan nina Quezon Governor Helen Tan at Quezon 3rd District Representative Cong. Reynante Arrogancia: Ding Pialo, Agricultural Programs
Coordinating Officer para sa Quezon: Oliver Sarmiento, at iba pang kawani ng Kagawaran at lokal na pamahalaan. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)