Isinagawa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program ang serye ng Training on Package of Technology (POT) Nutrient and Pest Management on Pineapple noong ika-25 hanggang ika-27 ng Hunyo sa Silang at Magallanes, Cavite; at San Pablo City, Laguna.
Layon ng POT na palakasin ang industriya ng pinya sa mga nabanggit na lalawigan sa pamamagitan ng pagsasanay sa pagkilala at pamamahala sa mga peste at sakit ng pinya gayun din ang tamang pag-aalaga ng lupa at pag-aaplay ng abono sa lupang taniman. Naging tagapagsalita sa naturang pagsasanay ang mga kawani mula sa Regional Crop Protection Center, Regional Soils Laboratory at Enviro Scope Synergy Incorporated na nagbahagi ng kani-kanilang espesiyalisasyon.
Nagpasalamat si G. Mario Estrada, Presidente ng San Pablo Pineapple Growers Association, sa isinagawang pagsasanay. Aniya, malaking tulong ito upang maipabatid sa kanila ang mga makabagong kaalaman at teknolohiya sa pagpipinya.
Samantala, patuloy naman na hinihikayat ng Kagawaran at mga lokal na pamahalaan ng San Pablo, Silang at Magallanes ang mga Magpipinya sa kanilang lugar na magparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture at sumali sa mga asosasyon upang maging prayoridad sa mga interbensyong ibinabahagi ng pamahalaan.#### (Bryan E. Katigbak, DA-4A RAFIS)