Dalawang bagong proyektong imprastraktura ang sisimulan sa Quezon at Laguna matapos aprubahan ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Regional Project Advisory Board (RPAB) Calabarzon ang pagpondo dito sa ilalim ng DA-PRDP Scale-Up. Ang mga nasabing proyekto ay isang Farm-to-Market Road (FMR) sa San Francisco, Quezon at isang level II potable water system sa Majayjay, Laguna.
Ang FMR sa San Francsico na Concreting of Sto. Niño-Huyon-Uyon Farm-to-Market Road ay tatakbo ng 10.58 km at may halagang PhP 249,857,000.00. Tinatarget nitong makatulong sa 7,686 katao sa mga barangay na Sto. Niño at Huyon-Uyon. Sa pamamagitan nito, nilalayon ng LGU na magbigay ng mabilis at maginhawang byahe, mas murang bayad sa pagpapahakot, magbigay daan sa mga pangunahing pangangailangan, serbisyo, at mga oportunidad, at magdala ng kaunlaran sa mga komunidad.
Samantala, ang Rehabilitation and Improvement of Level II Potable Water System sa Majayjay ay nilalayong maitaas ang kalidad ng pamumuhay ng mga benepisyaryo nito upang mapalakas rin ang produksyon ng pagkain sa kanilang komunidad. Nagkakahalaga ang proyekto ng PhP 90,181,808.71 at sasakop sa walong barangay: Bakia, Bitaoy, Botocan, Gagalot, Isabang, Piit, Rizal, at Taytay. Sa pagpondo sa proyekto, inaasahan ng LGU na matitigil na ang mga kaso ng diarrhea, gastritis, at pigsa dulot ng maruming tubig sa komunidad. Umaasa rin ang LGU na magkakaroon na ng panahon ang mga residente sa kanilang mga kabuhayan ngayong hindi na sila aabutin nang ilang oras sa pag-iigib ng tubig para sa kanilang mga pamilya.
“Masaya kaming suportahan at aprubahan ang mga proyektong ito dahil ang mga benepisyo ng mga ito ay hindi para lamang sa sektor ng agrikultura at isdaan, bagkus para rin sa komunidad. Ngayong ganap nang maisasakatuparan ang mga proyektong ito, umaasa kaming mas uunlad pa ang produksyon ng pagkain at ekonomiya at mababawasan na ang kahirapan sa mga komunidad na ito,” bahagi ni DA Regional Field Office Calabarzon Executive Director at RPAB Chairperson Fidel Libao.#