Umabot sa P562,720,363 ang kabuuang halaga ng interbensyon na naipagkaloob ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa mga magsasaka sa rehiyon sa isinagawang pakikiisa sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong ika-11 ng Hulyo sa San Jose, Batangas at Dasmariñas, Cavite.


Ang BPSF ay proyekto ng pangulo na naglalayong sama-samang magbigay ng benepisyo ang pamahalaan sa mga komunidad sa bansa. Prayoridad dito ang mga programang pangkabuhayan, pangkalusugan, pang-agrikultura, at iba pa.


Sa pangunguna ni Pangulong Marcos kasama sina DA Secretary Francisco Tiu Laurel at OIC- Regional Executive Director Fidel Libao, ibinida sa booth ng Kagawaran ang mga interbensyong binhi, punla, pataba, mga alagang hayop, makinarya, pasilidad, suporta sa patubig, at iba pang kagamitang pansaka mula sa Rice Program, Corn Program, High Value Crops Development Program, National Urban and Peri-Urban Agriculture Program, at Organic Agriculture Program.


Ayon kay Pangulong Marcos, inisyatibo niyang tipunin ang mga ahensya ng gobyerno upang direktang maibaba ang serbisyo sa mga magsasaka at mangingisda na lubos na naapektuhan ng matinding tagtuyot dulot ng El Niño. Dito ay ipinaalala rin niya ang kahalagahan ng hindi pagsuko kalakip ng patuloy na pakikipag-tulungan sa pamahalaan.


Sa masinsinang paghahanda rito nina Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) para sa Batangas; Michael Lalap at APCO para sa Cavite; Ruben Perlas, nagpasalamat ang mga ito sa aktibong kooperasyon ng mga munisipalidad at lungsod sa buong rehiyon sa pagtawag ng paanyaya sa mga magsasaka na dumalo sa aktibidad. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)