Siyam na cluster ng magsasaka, tinipon ng DA-4A upang palakasin ang negosyo sa tulong ng AECA
Tinipon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang siyam na cluster ng mga magsasaka upang sumailalim sa isang oryentasyon ukol sa Agro-Entrepreneurship Clustering Approach (AECA) noong ika-15 ng Agosto.
Sa pakikipagtulungan sa Jollibee Group Foundation, ang AECA ay isang prosesong isinusulong ng Kagawaran na may layong ituro sa mga magsasaka ang mga estratehiya upang mapaunlad ang pamumuhay mula sa pagiging prodyuser hanggang sa pagiging negosyante.
Dumalo rito ang mga representante ng Batangas City Vegetables Growers Association (BCVGA), Batangas City Mango Growers Association, Bonliw Small Coconut Farmers Organization, Mataas na Kahoy Cacao Growers Association, San Juan United Vegetable Farmers Association, San Jose Farmers Federation, Samahan ng Magkakape ng Lipa, Southern Luzon Farmers Traders Agricultural Cooperative, at Liliw Upland Farmers Multi-Purpose Cooperative.
Ikinagalak ni G. Leandro Bobadilla, pangulo ng BCVGA ang patuloy na paggabay ng Kagawaran upang mas lumawak ang kanilang koneksyon sa merkado at nang sa gayon ay mas sigurado na sila sa mga pagdadalhan ng kanilang mga produkto.
####(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)