Dalawang samahan ng mga magsasaka sa Laguna, inihahanda na ng DA-4A sa mas malawak na market

Inihahanda na ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang dalawang samahan ng mga magsasaka sa Nagcarlan, Laguna para sa mas malawak na market sa pamamagitan ng estratehiya ng pagka-cluster.


Simula noong ika-21 hanggang ika-22 ng Agosto ay tinungo ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program ang Gintong Butil ng Wakat Irrigator Association Inc. na mga magpapalay at ang Barangay Abo Vegetables Grower Association (BAVGA) na nagtatanim ng gulay.


Ito ay para isailalim na sila sa enterprise assessment at paggawa ng Cluster Development Plan (CDP) na nagsisilbing pangunahing requirement ng programa.
Naglalaman ang mga ito ng estado ng produksyon, kalagayan, pangangailangan, at pangmatagalang plano para sa samahan upang mas mapalawak pa ang maaari nilang mapagdalhan ng produkto sa merkado.


Naniniwala si Irene Mabilangan Royo, pangulo ng BAVGA, na malaki pa ang mga oportunidad na naghihintay sa kanila lalo pa at tinulungan sila ng lokal na pamahalaan at Kagawaran na maging rehistrado bilang Civil Society Organization (CSO). Inaasahan niya ang paglago pa ng samahan ngayong nasa proseso na ng pagiging isang opisyal na cluster sa tulong ng F2C2.

#### (Danica T. Daluz, DA-4A
RAFIS)