DA-PRDP Scale-Up, popondohan ang proyektong kalsada at tulay sa Catanauan, Quezon

Galak at pasasalamat ang inihatid ng pamahalaang bayan ng Catanauan, Quezon sa Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Regional Project Advisory Board Calabarzon (RPAB 4A) matapos na maaprubahan ang kanilang mungkahing proyektong kalsada at tulay. Tutugon ito sa 685 pamilyang nagsasaka at nangingisda na nangangailangan ng maayos at kalidad na transportasyon tungo sa mga pamilihan at iba pang oportunidad.

 

Ang nasabing proyekto ay ang Construction of Brgy. San Roque-San Antonio Magcopa-San Pablo Suha-Doongan Ilaya Farm-to-Market Road with 2 Bridge Component na may habang 12.46 km. Tutulong ito sa mga sumusunod na barangay: Doongan Ilaya, Doongan Ibaba, Milagrosa, San Antonio Magcopa, San Roque, San Pablo Suha, and Sta. Maria Dao. Ayon sa pamahalaan ng Catanauan, nakakaranas ng matagal, mahirap, at di ligtas na byahe ang mga mamamayan sa mga nasabing komunidad lalo na kapag tag-ulan.

 

Sa pamamagitan ng kalsada, layon din ng pamahalaan ng Catanauan na mapagyaman pa ang lokal na sektor ng agrikultura at isdaan at ang mga komersyal na aktibidad sa mga nasabing komunidad. Dahil sa mas mataas na kalidad na transportasyon, mapapabilis ang pagbabyahe ng mga produkto at mapapanatili ang magandang kalidad nito pagdating sa mga pamilihan.

 

Nagkakahalaga ng PhP 380,000,436.37 ang pondong naaprubahan para sa proyekto. Kasama ang mga kapitan ng mga masasakupang barangay, ipinahayag ni Catanauan Mayor Ramon Orfanel sa DA-PRDP RPAB 4A na kanilang sisiguraduhin ang maayos at matagumpay na implementasyon ng proyekto dahil sa dami ng benepisyong maihahatid nito sa mga mamamayan. 

 

Nagbigay rin ng pasasalamat si DA-PRDP RPAB 4A Chairperson at DA Regional Field Office Calabarzon Executive Director Fidel Libao sa pamahalaan ng Catanauan para sa kanilang dedikasyon sa pagsulong sa proyekto. Aniya, patuloy ring magbibigay ng suporta ang DA-4A at DA-PRDP Regional Project Coordination Office Calabarzon sa kanila upang maisakatuparan at gawing sustenable ang proyekto.#