8 cluster ng mga magsasaka sa CALABARZON, pinalakas ang estratehiya sa pagpaplano ng DA-F2C2

 

   

 

Walong cluster ng mga magsasaka, mga representante ng lokal na pamahalaan, at mga kawani ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang lumahok sa ginanap na Cluster Development Plan Formulation Workshop ng DA-Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program simula noong ika-10 hanggang ika-13 ng Setyembre sa Tagaytay City, Cavite.

Ito ay upang patuloy na palakasin ang mga estratehiya at pagpaplano ng mga cluster na nakasentro sa pagsasama-sama ng mga magsasaka at ng kanilang mga produkto para sa mas masusing pagnenegosyo.

Binigyang-pansin dito ang pagbuo ng Cluster Development Plan (CDP) na naglalaman ng pagkakakilanlan ng mga cluster, kasalukuyang kalagayan ng produksyon, at kanilang mga pangangailangan kung saan ito ang nagiging batayan ng Kagawaran sa pagbibigay ng interbensyon.

Ayon kay Joselito Esturia, pangulo ng Bakbak Coffee Farmers Association, mas naging malinaw sa kanila ang mga dapat pa nilang ayusin lalo na pagdating sa mga oportunidad pa sa pagbebenta at pagpoproseso.

Patuloy naman ang paghikayat ni DA-4A F2C2 Focal Person Jhoanna Santiago hindi lamang sa mga Farmers Cooperatives and Associations kundi pati sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon na dumalo sa mga paparating pa na consultative meeting upang bumuo ng mga value chain map na bahagi ng CDP. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)