DA-4A inihahanda ang mga cluster ng magsasaka sa pagharap sa mga kalamidad, pabagu-bagong panahon

 

 

Inihanda ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program ang labing-walong cluster ng mga magsasaka mula sa rehiyon matapos ang Sustainability and Risk Reduction Management Plan Preparation Training noong ika-11 hanggang ika-12 ng Setyembre sa Tagaytay City, Cavite.

Ito ay upang palakasin ang kakayanan ng mga cluster sa paghahanda o pagpaplano sa pagpapababa ng epekto ng sakuna mula sa panganib na dala na mga kalamidad, pagtugon sa pabagu-bagong panahon at pagbawi matapos ang mga trahedya para sa sustenableng pagsasaka.

Nagbagi ng kanilang mga kaalaman at karanasan sa naturang pagsasanay ang mga representante mula sa Office of the Civil Defense, Adaptation and Mitigation Initiatives in Agriculture Program at Tanay Mountaineers Search and Rescue Inc. Volunteer Organization.

Ayon kay DA-4A F2C2 Focal Person Jhoanna Santiago mahalaga ang pagsasanay na ito upang maging- handa ang bawat cluster sa mga dumadating na hamon mula sa mga kalamidad at
pagbabago ng panahon. Aniya, magiging sustenable ang kanilang pagsasaka at pagkita kung may magandang plan sa hinaharap ang bawat samahan.

Laking pasalamat naman ni Gng. Liza Roxas, Safety Officer ng Cacao Growers Association of Lopez, sa isang produktibong pagsasanay. Ayon sa kanya, ang pagsasanay na ito ang nagbukas sa kanilang isipan sa mga bagay na makakatulong sa kanilang samahan na magpatuloy kung sakaling may mga trahedyang kakaharapin. #### (Bryan E. Katigbak, DA-4A RAFIS)