DA-4A, nagdaos ng Two-Day Enterprise Development Training para sa mga benepisyaryo ng RiceBIS
Idinaos ang Two-Day Enterprise Development Training para sa mga benepisyaryo ng PhilRice BIDA Rice Business Innovations System (RiceBIS) Program sa pangunguna ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA IV-A) Adaptation and Mitigation Initiatives in Agriculture (AMIA) sa San Francisco, Quezon, simula ika-18 hanggang ika-19 ng Setyembre.
Layon ng pagsasanay na tulungan ang mga benepisyaryo ng proyektong RiceBIS sa pagtataguyod ng kanilang mga lokal na produkto upang makamit ang mas mataas na produksyon at kita.
Sa unang araw ay tinalakay ni Research Division, Science Research Specialist II, Gng. Ginalyn D. Bocaya ang paksang Packaging at Labelling ng mga produkto na mayroon ang asosasyon. Sa sesyon na ito itinuro ang mga dapat ikonsidera upang maging maayos ang mga produkto gaya na lamang ng pagpili ng pangalan ng produkto, paggamit ng brand trademark, paglalagay ng kumpletong listahan ng mga sangkap, net contents, tamang pagiimbak ng produkto, direksyon ng paggamit, mga kaalamang pang-nutrisyon, impormasyon ukol sa mga allergen, bansang pinanggalingan ng produkto, at ang mga importanteng petsa na dapat tandaan ng mga mamimili.
Matapos ang pagsasanay sa unang araw ay namahagi rin ng black pepper seedlings sa mga benepisyaryo ng AMIA Villages sa naturang lugar. Ipinaliwanag sa distribusyon ang tamang pagtatanim at pagpaparami ng black pepper, at kung paano ito mapagkakakitaan.
Sa ikalawang araw tinalakay ni AMIA Climate Resilient Agriculture Focal Person G. Girsky Anda ang Financial Literacy, kung saan ipinaliwanag kung paano mag-ipon bilang indibidwal at bilang asosasyon. Kabilang dito ang mga dapat unahin na pagkagastusan, at ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ipon.
Sumunod dito ang diskusyon ni AMIA Field Assistant Gng. Laica Pardilla tungkol sa Business Bookkeeping na kalakip ang pagtuturo ng ang tamang pagsulat sa Columnar ng mga kinita at lumabas na pera mula sa asosasyon. Kasama rito ang paggawa ng income statement at balance sheet, at ang tamang pagsusuri at proyeksyon ng mga nakaraang datos.
Nasundan naman ito ng sesyon sa Inventory Management na pinangunahan ni AMIA Field Assistant, G. Arvex Aman. Sa paksang ito itinuro sa mga benepisyaryo kung ano ang inventory management, rekords, reports, kung paano malaman ang dami ng stocks, at mga tamang gawain sa pag-imbentaryo ng produkto.
Nagkaroon din ng aktibidad ang bawat kalahok kung saan nagsanay sila sa pagpipresyo ng sarili nilang mga produkto. Kinilala ang mga kalahok na nagmula sa Tayumanin Upland Farmers Association.
Sa pagtatapos, nagpasalamat si Municipal Agriculturist, G. Randy Riego para sa DA-IV A AMIA Program at ipinaabot ang patuloy na pagsuporta ng kanilang opisina, kasama ng bawat magsasaka ng lalawigan, sa mga programa ng DA-IV A na mas makakatulong pa sa pamumuhay at pagsasaka ng bawat benepisyaryo.#### (Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)