DA-4A, namahagi ng mahigit ₱20 milyon tulong-pinansyal sa mga magbababoy ng Lobo na naapektuhan ng ASF
Mahigit 20 milyon ang halaga ng tulong-pinansyal na naipamahagi sa 312 na lokal na magbababoy ng Lobo, Batangas, na apektado ng African Swine Fever noong Hulyo at Agosto, noong ika-1 ng Oktubre.
Pinangunahan ni Department of Agriculture IV-A CALABARZON (DA-4A) Regional Executive Director Fidel Libao ang naturang aktibidad na may layong mabigyan ng suporta ang mga lokal na magbababoy ng nasabing munisipalidad mula sa pagkalugi na dulot ng ASF. Ang bawat magbababoy ay nakatanggap ng halagang limang libong piso sa bawat pagmamay-ari nilang baboy na apektado ng ASF.
Ayon sa tala ng Batangas Provincial Veterinary Office (PVO), isa ang Lobo sa mga munisipalidad sa probinsya na may malaking bilang ng kaso ng ASF. Sa kasalukuyan ay nananatili pa rin ang banta ng naturang sakit sa mga baboy at lubos na naapektuhan ang probinsya na isa sa nangunguna sa produksyon ng baboy.
Kasama ni Dir. Libao ang iba pang mga opisyal ng DA-4A na sina Regional Livestock Coordinator at OIC-Regulatory Division G. Jerome Cuasay, Regional Cashier Gng. Fe Briones, at APCO Batangas G. Michael Lalap.
Patuloy ang pag-aksyon ng DA-4A katuwang ang bawat PVO, Local Government Units, at Industry Groups sa pagsugpo ng ASF sa buong rehiyon sa tulong ng mga teknikal na suporta at tulong- pinansyal.#### (Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)