Isyu sa climate change, tutugunan ng DA-4A sa pamamagitan ng Carbon Farming
Isa sa mga hakbangin ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang tugunan ang mga hamon ng climate change sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng carbon farming.
Ang carbon farming ay may layon i-maximize ang kakayahan ng lupa na iimbak ang Carbon dioxide at iba pang greenhouse gases (GHG) na makakabawas sa emisyon nito sa kalikasan. Ito ay naging sentro ng pagpupulong sa idinaos na sectoral meeting ng Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC) para sa sektor ng pagpapalay sa pangunguna ni G. Leonardo Ungriano.
Bukod dito ay tinalakay din ang pagkakaroon ng rice straw systems kung saan ayon sa Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA),layon nito ng maiwasan ang pagsusunog ng dayami at mapababa ang emisyon ng GHG hanggang 38%.
Hinikayat ni RAFC Chairperson Gng. Flordeliza Maleon na magkaroon ng ordinansa ang mga LGU na nagbabawal sa pagsusunog ng dayami na nagsisilbing paraan upang mapataas ang kabuhayan ng mga magsasaka habang kumakalinga sa kalikasan.
Kasama ng RAFC at SEARCA sa naturang aktibidad ang ilang kinatawan ng RICE Banner Program, Agribusiness and Marketing Assistance Division, Agricultural Program Coordinating Offices, at Provincial Agricultural and Fishery Council.
(Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)