AgriCoolTour upang ipakita ang mga makabagong teknolohiya ng experiment station sa Rizal ng DA-4A, isinagawa
Pinangunahan ng kinatawan ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na si Undersecretary for DA Inspectorate and Enforcement Atty. Alvin John Balagbag at DA IV- CALABARZON (DA-4A) Regional Executive Director Fidel Libao ang pagsasagawa ng “AgriCoolTour” ng Rizal Agricultural Research and Experiment Station (RARES) noong ika-22 ng Nobyembre sa Tanay, Rizal.
Layon ng AgriCoolTour na ipakita ang mga natatanging inobasyon ng isa sa mga tanggapan ng Kagawaran tampok ang mga makabagong teknolohiya gaya ng produksyon ng organikong pataba, rice paddy art, pagtatanim ng strawberry, pagpapatubo ng mais at kamote, paglinang ng digital farming sa pamamagitan ng Smart Greenhouse Project, at marami pang iba.
Dito ay mas pinaiigting ang ugnayan sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, non-government organizations (NGOs), state universities and colleges (SUCs), at lokal na pamahalaan. Gayundin ang pagpapalaganap ng impormasyon sa iba pang mga kliyente at stakeholder.
Nagkaroon ng ribbon-cutting para sa pagbubukas ng mga pasilidad na Greenhouse na may Hydroponics, Staff House, at Common Comfort Room kasama ang Bureau of Plant Industry (BPI) at mga benepisyaryo na tumanggap nito mula sa RARES, Municipal Agriculture Office (MAO) ng Tanay, Marikina Watershed Kaysakat Association Incorporated, at Rizal National High School.
Ayon kay Atty. Balagbag, hangad ng Kagawaran na ang mga magsasaka ay maging mga magigiting na negosyante sa tulong ng mga makabagong teknolohiya na makakapagpataas ng kanilang produksyon at siyang patuloy na itinuturo ng Kagawaran sa pamamagitan ng mga istasyon.
Samantala, dumalo rin sa aktibidad sina 2nd District Rizal Province Representative Hon. Emigdio Tanjuatco III, Tanay Rizal Mayor Hon. Rafael Tanjuatco, BPI Assistant Director Dr. Hermilinda
Gabertan, OIC-RTD for Operations and Extension Engr. Redelliza Gruezo, RARES OIC-Agricultural Center Chief Alexandra Jamoralin, at iba pang kawani ng Kagawaran at lokal na pamahalaan.
#### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)