Bagong online na sistema ng pagrerehistro sa mga magsasaka, isinulong ng DA-4A
Isinulong ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang bagong online na sistema ng pagrerehistro sa mga magsasaka, ang Registry System for Basic Sectors in Agriculture Profiling Platform for Local Government Units o RSBSAPP-LGU.
Ang RSBSA ang nagsisilbing opisyal na talaan ng gobyerno sa pagkakakilanlan ng mga magsasaka at mangingisda kalakip ang detalye ng kanilang lupang sinasaka o palaisdaan. Sa pamamagitan ng RSBSAPP-LGU, maaari nang makatulong ang lokal na pamahalaan sa Kagawaran pagdating sa pag- oorganisa ng mga impormasyong ito online.
Sa aktibidad ay higit sa 50 representante ng mga LGU sa buong rehiyon ang tinuruan ukol sa pagtatala ng impormasyon sa isang website. Kasama na rin dito ang pagtalakay ng mga bagong protokol at panuntunan para sa angkop na pagkolekta ng datos sa mga magsasaka.
Binigyang-diin ni Regional Director Fidel Libao ang kahalagahan ng pagtutok sa pagsasaayos ng RSBSA na siyang pangunahing kailangan at basehan ng Kagawaran sa pagbibigay ng serbisyo at interbensyon sa mga magsasaka.
Samantala, tinatayang nasa 598,779 magsasaka na sa CALABARZON ang kasalukuyang rehistrado sa RSBSA at buo ang panata ng mga kawani ng Kagawaran na patuloy ang panghihikayat sa mga magsasaka na magparehistro, lalong higit sa mga nasa malalayong lugar.
Para sa iba pang katanungan ukol sa RSBSA ay maaaring mag-email sa rafis@calabarzon.da.gov.ph o kaya naman ay mag-mensahe sa Facebook page ng DA-4A: DA-Calabarzon.
#### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)