DA-4A, Namahagi ng Abono para sa Rehabilitasyon ng mga Punong Mangga sa Batangas at Rizal

 

 

Mahigit 2,000 sako ng abono ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) sa mga magmamangga ng Batangas at Rizal, sa ilalim ng Mango Rehabilitation Program, noong ika-24 at ika-27 ng Pebrero. Layon ng programa na patuloy na suportahan ang mga magsasaka sa rehabilitasyon ng matatandang puno ng mangga upang mapataas ang produksyon at mapabuti ang kalidad ng kanilang ani.

Kabilang sa mga nakatanggap ng interbensyon ang Batangas City Mango Farmers Association (BCMAFA) at Rizal Mango Stakeholders’ Association, Inc. (RIMASA), na kinikilala bilang ilan sa mga nangungunang prodyuser ng mangga sa rehiyon.

Hinikayat ni Regional Executive Director Fidel Libao ang mga magsasaka na ipagpatuloy ang kanilang sipag at tiyaga upang higit pang mapalakas ang industriya ng mangga sa CALABARZON.

Dumalo rin sa distribusyon sina RTD for Operations and Extension at Regional HVCDP Focal Person Engr. Redelliza Gruezo, at ang mga Mango Focal Person, mga kinatawan ng APCO, at ilang kawani mula sa Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ng Batangas at Rizal.

#### (Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)