Pinakaunang Fashion Show ng Tradisyunal na Kasuotan ng mga Kababaihang Pilipino, ibinida ng DA-4A GAD
Ibinida ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Gender and Development Program ang kauna-unahang Fashion Show ng tradisyunal na kasuotan ng mga kababaihang Pilipino noong ika-10 ng Marso sa Lipa City, Batangas.
Bahagi ito ng selebrasyon ng 2025 National Women’s Month kung saan layon na mabigyang pansin ang pagkakapantay-pantay ng kasarian, kalakasan, at pagkilala ng kultura ng mga kababaihan. Alinsunod ito sa memo circular no. 2025-01 ng Philippine Commission on Women (PCW). Sa aktibidad ay siyam na representante ng bawat dibisyon ang nagpakitang-gilas tampok ang mga kasuotang gaya ng Maria Clara, Vakul, Baro’t Saya, Filipiniana, Kimona at Saya, at Mandirigmang Manobo.
Dito ay nagwagi bilang “Binibining GAD 2025” si Pamela Perez mula sa Regulatory Division na tumayo bilang isang Mandirigmang Manobo na sumasalamin sa diwa ng isang babaeng tagapagtanggol ng kalikasan at tagapagtaguyod ng masaganang ani.
Ayon kay Ms. Perez, isa sa kanyang mga paraan upang ipamalas ang pagiging isang babae na may malaking gampanin sa bayan ay ang sagisag ng pagmamahal sa agrikultura sa pamamagitan ng pagiging isang dedikadong empleyado ng Kagawaran ng Pagsasaka. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)