80 magsasaging, sinanay ng DA-4A sa pamamahala ng banana bugtok disease

 

 

Aabot sa 80 na magsasaging mula sa lalawigan ng Cavite at Batangas ang sumailalim sa pagsasanay na isinagawa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) sa unang linggo ng Hunyo.

Ito ay ukol sa mga Package of Technology (POT) sa produksyon at pamamahala ng mga sakit ng saging, partikular ang Banana Bugtok Disease (BBD) na kasalukuyang namiminsala sa rehiyon. Ang BBD ay isang sakit ng saging na nabubuhay at dumadami sa lupa na siyang pangunahing dinadala ng mga insekto sa bulaklak. Ito ay nagreresulta sa hindi sabay-sabay na pagkahinog ng mga saging sa isang buwig at paninigas ng bunga.

Ayon sa report na naitala ng DA-4A Regulatory Division hanggang buwan ng Mayo, namataan ang BBD sa anim na munisipalidad sa Batangas, 13 sa Cavite, at wala pa sa ibang probinsya.
Kaugnay nito, tinuruan sa aktibidad ang mga Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) ng mga pamantayan at pamamaraan upang maiwasan ang pagkalat ng BBD, kabilang na ang angkop na paglilipat ng mga halaman na apektado ng sakit at tamang pagkuha ng lupang ipapasuri bago magtanim.

Si Alfredo Mendoza na miyembro ng Bulacnin Farmers Association mula sa Lipa City, Batangas ay nagpasalamat sa oportunidad na makalahok dito habang umaasa sa patuloy na pagtulong ng pamahalaan sa pagkontrol ng peste para sa kanyang pitong ektaryang sagingan.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)