Benteng bigas meron na, P20 Rice Project inilunsad para sa mga manggagawa

 

 

Sa pagtutulungan ng Department of Agriculture IV-A CALABARZON at ng Department of Labor and Employment (DOLE) CALABARZON, inilunsad ang P20 Rice Program for Workers sa Universal Robina Corporation San Pedro City, Laguna noong ika-13 ng Mayo, 2025.

Pangunahing pagbebentahan nito ang mga minimum wage earner na mga manggagawa kung saan makakatulong din sa kanila ang halaga na kanilang matitipid. Inaasahan na makakabili ang mga manggagawa ng tig-sasampung kilo kada buwan na tatagal hanggang may natitirang suplay. Samantala inaasahan na ang BBM rice o Benteng Bigas Meron Na program ay ipapatupad din sa ilang Kadiwa Store sa Quezon at Batangas ngayong darating na Hulyo.

Taos pusong pasasalamat ang ipinaabot ni DOLE IV-A Regional Director Atty. Erwin Aquino sa Kagawaran ng Pagsasaka. Aniya, hindi man pangmatagalan ang suplay ng benteng bigas, malaking tulong naman sa mga manggagawa ang matititpid nila.

Ibinahagi din ni DA IV-A Regional Executive Director Fidel L. Libao ang matinding kagustuhan ng pangulo na maipatupad ang programang ito sa simula pa lamang ng kanyang termino. Aniya, patuloy ang pagsisikap ng kagawaran upang masuportahan ang programang itong magbebenipisyo ang mga pamilyang Pilipino.