12 FCAs sa CALABARZON, sumailalim sa Enterprise Assessment ng DA-4A AMAD
Sa pangunguna ng Department of Agriculture IV-A CALABARZON Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) sumailalim ang 12 Farmer’s Cooperatives and Associations (FCAs) sa isinagawang Enterprise Assessment Activity noong ika-27 hanggang ika-30 ng Mayo sa Los Baños, Laguna.
Layon ng aktibidad na magsagawa ng profiling upang masuri ang organisasyon, operasyon, marketing, pinansyal na pamamahala, sustainability, at inclusivity ng mga FCAs. Bahagi rin nito ang pagsasagawa ng SWOT Analysis, na magiging batayan sa pagbuo ng tatlong taong Capacity Development Plan (CDP). Ang CDP ay naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan, mga kailangang gawin, iskedyul, at mga pinanggagalingan ng pondo para maisagawa ang mga plano. Kasama rin dito ang mga non- trainings na suporta tulad ng puhunan at kagamitan para mapalago o mapanatili ang negosyo ng samahan.
Ang mga paunang plano na nakalatag sa CDP ay ipi-presenta sa pamunuan ng bawat FCAs para sa kanilang pagsang-ayon at magsisilbing batayan ng Kagawaran sa pagbibigay ng angkop na suporta. Ang enterprise assessment ay isa sa tatlong pangunahing bahagi ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Program (FFEDP) na itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 11321 o mas kilala bilang Sagip Saka Act.
Kabilang sa mga lumahok dito ay ang Cacao Farmers Agripreneur of Nagcarlan Agriculture Cooperative; Barangay Bukal Agrarian Reform Beneficiaries Association, Inc; Agriculture Cooperative of Progressive Laguna (ACOPRO); Samahan ng mga Magbibinhi sa Laguna, Inc. (SAMALAGUN); Cavinti Farmers Agriculture Cooperative; Pangkat Kabukiran Farmers Association of Cavinti; Pangkalahatang Samahan ng Magsasaka ng Siniloan; Upland Banana Growers of Siniloan; Lamot Il Irrigators Association; Sto. Domingo-Maitim Irrigators Association Inc.; Gintong Butil ng Wakat Inc Irrigator Association; at Galalan Agrarian Reform Beneficiaries MPC.