POT Training, Hatid ng DA-4A sa Mga Magsasaka ng Cavite

 

 

Inilunsad ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Department of Agriculture IV-A CALABARZON ang pagsasanay sa Package of Technologies (POT) para sa produksyon ng gulay noong ika-18 ng Hunyo sa bayan ng General Emilio Aguinaldo, Cavite.

Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga magsasaka sa makabago at angkop na teknolohiya sa pagtatanim, pag-aalaga, at pagpapabunga ng gulay upang mapataas ang kanilang ani at kita. Kabilang sa mga itinuro sa pagsasanay ang paggamit ng mas episyenteng uri ng abono, na maaaring makuha nang libre sa tulong ng lokal na pamahalaan.

Bilang bahagi ng aktibidad, isinagawa rin ang isang field tour sa YAKAP AT HALIK Multi-Purpose Cooperative upang ipakita ang mga pasilidad na ipinagkaloob ng Kagawaran. Kabilang dito ang vermicomposting shed, vermicompost processing and storage facility, greenhouse, at multi-commodity greenhouse-type solar dryer na ginagamit ng kooperatiba sa kanilang operasyon. Para kay Gng. Myrna Ikan, miyembro ng Castaños Cerca Farmers Association, ang ganitong pagsasanay ay isang malaking hakbang para matuto ang mga magsasaka kung paano mas mapaunlad ang kanilang mga taniman.

Naisakatuparan ang aktibidad sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan ng Cavite kabilang ang General Trias, Alfonso, Magallanes, General Emilio Aguinaldo, at Silang, na nagsisilbing katuwang ng DA-4A sa pagpapalaganap ng teknikal na kaalaman sa mga samahan ng maggugulay.

 

(Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)