40 magmamangga sa Laguna, sinanay ng DA-4A sa pagkuha ng PhilGAP certification

 

 

Sinanay ang 40 magmamangga sa buong lalawigan ng Laguna ukol sa Good Agricultural Practices (GAP) para sa Mangga ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) noong ika-26 ng Hunyo sa Santa Cruz, Laguna.

Ito ay upang talakayin ang kahalagahan ng pagkuha ng sertipikasyong Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP) na nagsusulong ng ligtas ng pagkain, proteksyon sa kalikasan, kapakanan ng mga magsasaka, pagpapanatili ng masusing agrikultural na sistema, at pagpapalakas ng akses sa merkado.

Alinsunod ito sa Republict Act (RA) 10611 o mas kilala rin bilang Food Safety Act noong 2013 na nagtatakdang palakasin ang seguridad ng pagkain at proteksyon sa mga konsyumer. Ang pagkuha ng PhilGAP certificate ay silbing patunay na ang sakahan ng mga magsasaka ay dumaan sa masusing ebalwasyon ng Kagawaran at ligtas na produkto ang naipoprodyus.

Bukas ang nasabing sertipikasyon sa mga indibidwal o grupo na nais mag-apply kung saan kinakailangan lamang mag-sumite ng mga dokumento. Para sa iba pang impormasyon, maaaring mag-mensahe sa official Facebook page ng DA-4A: DA Calabarzon o kaya ay mag-email sa rafis@calabarzon.da.gov.ph.

Ikinatuwa naman ni G. Francisco Vito, pangulo ng Samahan ng mga Magmamangga ng Laguna, ang pagdalo sa pagsasanay na aniya ay detalyado ang paglalahad ng mga proseso kung paano mag-apply. Sa pamamagitan nga ng panlalawigang agrikultor ng Laguna ay handa silang tulungang mag- asikaso ng mga kinakailangang dokumento para sa sertipikasyon.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)