KADIWA ng Pangulo sa PNP CALABARZON, inilunsad ng DA-4A kasama ang 13 FCAs

 

 

Tinatayang 13 samahan ng mga Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) at Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) ang kasama ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa paglulunsad ng KADIWA ng Pangulo sa Regional Philippine National Police (PNP) Camp Vicente Lim, Brgy. Mayapa, Calamba City, Laguna noong ika-30 ng Hunyo.

Bahagi ito ng kolaborasyon ng DA at PNP sa implementasyon ng KADIWA ng Pangulo program (KNP) na may layong bigyan ng alternatibong merkado ang mga konsyumer na pulis habang nakakapagbenta ang mga magsasaka sa mga kampo ng kapulisan sa rehiyon.

Tampok sa KADIWA ang mga pangunahing pangangailangan ng mga mamimili, partikular ang bigas, karne, isda, prutas, gulay, itlog, gatas, at marami pang iba kung saan direkta sa mga magsasaka mapupunta ang kita.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ehderg Casison, nakatipid siya sa gas at oras ng ipupunta pa dapat sa palengke dahil lahat ng kailangan niyang sangkap na panluto ay nabili niya na sa KADIWA sa kanilang kampo.

Samantala, lumahok sa KADIWA ang mga samahang Majayjay Organic Farmers Association, Valentin Integrated Farm, JD Hernandez Tapa and Longganisa Store, Fisherfolk Association of Brgy. San Rafael 4, Urdaneta Farmers Association, Pinagdanlayan Rural Improvement Club Multi-Purpose Cooperative, The Rosario Livestock and Dairy Farming Cooperative, Buklod-Samahan ng Nagkakaisang may Kapansanan ng Mamatid Cabuyao Laguna, Coalition Alliance of Farmers in Sta Cruz Laguna, Batangas Rural Improvement Club Marketing Cooperative, Sorosoro Ibaba Development Cooperative, Pacheco Agrarian Reform Cooperative, at Silang Pineapple Growers Association.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)