40 katutubo sa Quezon, sinanay ng DA-4A sa produksyon ng mga gulay sa pinakbet

 

 

Apatnapung (40) katutubo ang sinanay ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K) Program ukol sa produksyon ng mga gulay na sangkap sa lutuing pinakbet simula noong ika-9 hanggang ika-10 ng Hulyo sa Catanauan, Quezon.

Ang pinakbet ay isang sikat na putahe sa bansa na binubuo ng mga sangkap na gulay na madali at madalas lutuin ng mga Pilipino. Kaya naman layon ng aktibidad na palakasin ang kakayahan sa pagsasaka ng mga miyembro ng Samahang May Pagkakaisa ng Katutubong Aeta sa pagtatanim ng mga gulay na ito bukod sa kanilang pangunahing tanim na talong.

Dito ay tinuruan din silang mamahala sa pagkontrol ng paglaganap ng mga peste at sakit ng gulay kalakip ng mga estratehiya sa angkop na pamumuno at komunikasyon sa pagitan ng mga magsasakang kasali sa samahan.

Ikinatuwa ni Baby Jean Layones ang paglahok sa aktibidad na aniya ay tumulong sa kanilang matuto sa pagpili ng magagandang barayti ng binhi ng gulay at tamang pagsasagawa ng intercropping o iba pang paraan upang magkaroon ng mas masaganang ani.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)