ARANGKADA TBI ng DA-4A kaisa sa pagpapalakas sa mga kooperatiba sa CALABARZON
Pinangunahan ng Department of Agriculture IV-A CALABARZON (DA-4A) ang dalawang pagsasanay sa ilalim ng programang Accelerated Research-based Agribusiness for New and Growing Agripreneurs through Knowledgeable, Aggressive, and Dynamic Approach Technology Business Incubation (ARANGKADA TBI) nitong Hulyo sa Lipa City, Batangas katuwang ang Batangas State University The NEU – Lipa.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang mga kooperatiba sa rehiyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman at kasanayan sa produksyon, operasyon, pagbebenta, at pananalapi. Nakatuon din ang programa sa pagbuo ng estratehiya para sa paglago ng agri-negosyo at paghahanda ng mga samahan sa mas malawak na merkado.
Sa CALABARZON, isinusulong ng ARANGKADA TBI ang komersyalisasyon ng mga teknolohiyang nakabatay sa pananaliksik sa pamamagitan ng institusyonalisasyon. Nag-aalok ito ng incubation services tulad ng shared facilities, training, product development, marketing, at regulatory support. Ang mga isinagawang pagsasanay ay bahagi na ng Business Readiness stage ng Technology Business Incubation. Pangalawa ito sa apat na stage na kabilang sa programa kung inaasahan ang pagkabuo ng kanilang maayos na business plan.
Ayon kay Gng. Honey Lyn Reambillo ng Kakao Industry Diversified Livelihood for Transformation (KIDLAT-PLARIDEL), isang magandang inisyatiba ito upang mapalago ang kanilang samahan dahil kung ang isang miyembro ay aktibong nakikilahok at nakapagbahagi ng kanyang natutunan sa kooperatiba, mas magiging matatag ang buong samahan.
Nagpapatuloy ang DA-4A sa pagbibigay-suporta sa mga kooperatiba at agripreneurs sa rehiyon sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa inobasyon, edukasyon, at sustenableng pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa rehiyon.