Isinulat ni Amylyn Rey-Castro
Mga Larawan, Kuha nina Bryan Arcilla at Luzminda Tamayo
Dahil sa kanilang mahusay na pagganap bilang mga katuwang ng mga magsasaka at makabuluhang kontribusyon sa mataas na produksyon ng bigas sa kani-kanilang mga siyudad at munisipalidad tungo sa pagkamit ng kasapatan sa pagkain, 10 agricultural extension workers (AEWs) at isang local farmer technician (LFT) mula sa CALABARZON; 27 AEWs ng MIMAROPA; at 27 AEWs at limang LFTs buhat sa rehiyon ng Bicol ang kinilala sa ginanap na โ2017 Luzon B Cluster Rice Achievers Awards (RAA)โ awarding ceremonies noong Hulyo 31, 2018 sa Shercon Resort and Ecology Park, Mataas na Kahoy, Batangas.
Ang mga natatanging AEW ng CALABARZON ay mula sa Laguna (Calamba City, Pila, Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultura sa Laguna, Victoria, at Magdalena), Batangas (Lobo), at Rizal (Tanay). Mga taga-Palawan naman, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, at Marinduque ang mga kinilala sa kahalintulad na kategorya para sa MIMAROPA. At mula sa Camarines Sur, Camarines Norte, Albay, at Masbate ang mga namumukod-tanging AEW ng Bicol. Samantala, isang galing sa lalawigan ng Quezon at lima sa Camarines Sur ang itinanghal bilang mga natatanging LFT. Bawat isa sa kanila ay nakatanggap ng medalya, plake, at Php20,000.
Ang pagpili sa kanila ay batay sa taas ng produksyon at karaniwang (average) ani kada ektarya sa kanilang lugar, halaga ng pondong inilalaan ng kanilang lokal na pamahalaan sa mga proyekto at programang may kinalaman sa bigas, bilang ng mga natutulungan nitong magsasaka, antas ng paggamit ng dekalidad na binhi, at iba pa.
Ilan sa mga opisyal ng Kagawaran ang dumalo sa naturang aktibidad at silang nag-abot ng mga parangal tulad nina: Assistant Regional Director (ARD) for Operations and Extension Milo D. delos Reyes, Rice Program Coordinator Enrique H. Layola, at Agricultural Training Institute (ATI) Center Director Marites P. Cosico (CALABARZON); Regional Executive Director (RED) Antonio G. Gerundio at ARD for Operations Ronie F. Panoy (MIMAROPA); RED Elena B. delos Santos at ARD for Operations and Extension Rodel P. Tornilla (Bicol); at National Rice Program Senior Technical Adviser Santiago R. Obien.
Dito ay binigyang-diin ng ilan sa mga tagapagsalita ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagsisiguro at pagkamit ng kasapatan sa bigas; pagbabahagi ng kanilang pinakamahusay na gawi (best practices) sa iba na siyang daan sa pagtitiyak na may pagkain ang lahat; paggamit ng mga makabagong pamamaraan sa pagsasaka para mas mapataas ang produksyon at mapahusay ang kanilang kakayahan; at iba pa. Gayundin naman, isang pinarangalan mula sa bawat rehiyon ang binigyan ng pagkakataon na magpahayag ng kanilang pasasalamat at ilang mga pangungusap.
Nasa mahigit 100 katao ang nagsipagdalo sa RAA na kinabibilangan din ng ilang mga empleyado ng Kagawaran at ng mga attached agency nito sa mga nabanggit na rehiyon. Ang Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON sa pamamagitan ng Rice Program nito ang nagsilbing punong-abala sa pagdiriwang ngayong taon.