Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez
“Ang Kagawaran ng Pagsasaka sa Rehiyon ng CALABARZON ay patuloy na nagsasagawa ng mga programa at proyekto sa pagpapaigting ng produksyon ng kakaw sa ating rehiyon.”
Ito ang sinabi ni Engr. Redelliza A. Gruezo, Regional Coordinator ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Kagawaran, nang siya ay magsalita sa ginanap na seremonya ng pagtatapos ng “Learning Session on Postharvest System for Cacao with Leadership Training and Operationalization of Community-Based Cacao Processing Enterprises” sa Gumaca, Quezon noong Oktubre 19, 2018.
Ayon din kay Engr. Gruezo, malapit nang makamit ng Kagawaran ang target nitong pagpapalawak ng lupang taniman ng kakaw na 4,000 ektarya at produksyon na 2,000 metriko tonelada para sa taong 2022 dahil ngayon pa lamang ay 3,858 ektaryang lupa na ang nataniman ng mahigit 2.3 milyong puno ng kakaw na ipinamahagi ng Kagawaran, dagdag pa ang mga punong ibinigay ng mga pamahalaang panlalawigan sa rehiyon na parte ng kani-kanilang programang pang-agrikultura para sa mga magsasaka.
Pinapalakas din aniya ng Kagawaran ang ugnayan at suporta nito sa mga samahan ng mga magkakakaw saanman sa rehiyon, at sinisigurong makakarating sa mga kwalipikadong grupo ang mga ayuda ng gobyerno.
Ang naturang aktibidad ay dinaluhan nina Senador Cynthia A. Villar, Chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food, bilang panauhing pandangal; at Kongresista Angelina DL. Tan, Kinatawan ng ika-4 na Distrito ng Quezon; gayundin ng mahigit 100 nagtatanim ng kakaw sa rehiyon na kabilang sa kani-kanilang mga asosasyon.
Dito ay itinuro rin ang mga proseso sa paggawa ng tableya kasama na ang pagpapatakbo ng mga kagamitan para rito.
Samantala, limang samahan na ang napagkalooban ng Kagawaran ng cacao processing centers. Ang mga ito ay ang Alabat Cacao Growers’ Association, San Antonio Cacao Growers’ Association, Kakao Integrated Development for Livelihood and Transformation (KIDLAT), Inc., Luisiana Cacao Producers’ Cooperative, at Alfonso Tablia Multi-Purpose Cooperative.