Sa adhikaing mapataas ang kanilang produksyon ng mais at makabuo ng isang matatag na asosasyon, binisita ng mga magsasaka mula sa bayan ng Magdalena ang mga miyembro ng Calamba Upland Farmers’ Multi-Purpose Cooperative (CUFAMCO) sa siyudad ng Calamba upang malaman ang mga makabagong teknolohiya na kanilang ginagamit sa larangan ng pagmamaisan. Ito ay naisagawa sa pangunguna ng Research Division ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) sa Rehiyon ng CALABARZON, katuwang ang Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ng Magdalena.
Ibinahagi ng mga miyembro ng CUFAMCO ang mga pamamaraan upang matulungang mapataas ang produksyon ng mais at sa paggawa ng bagong produkto na mula sa mais tulad ng corn briquette.
Ayon sa tagapangulo ng CUFAMCO na si Andres Mulingtapang, ang pagkakaroon ng isang matatag na asosasyon ay makakatulong nang malaki sa mga miyembro nito sapagkat madali silang makakatanggap ng tulong mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng DA, Kagawaran ng Paggawa at Empleyo (DOLE), Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST) at iba pa.
Isa sa mga natanggap ng kooperatiba mula sa DA ay ang malaking dryer ng mais na pinakikinabangan nang husto ng marami sa kanila. Bukod dito, mas mabilis at malaki na rin ang kita ng mga magsasaka dahil sa magandang kalidad ng mais na nailalabas o naibebenta nila para sa pangangailangan ng mga feed mill.
Nakita ng mga magsasaka mula sa Magdalena ang kagandahan ng pagkakaroon ng asosasyon sa hangaring mas mapanatili ang pagkakaisa at magkaroon ng pagtutulungan sa kanilang bayan o baranggay.
Ang tagumpay ng CUFAMCO ay dahil sa sipag at pagtutulungan ng mga miyembro nito na labis na ikinatuwa ng mga taga-Magdalena. • DA-STIARC-R&D Division