Agri and Fishery Farming Systems, inilunsad sa Laguna
Isinulat at kuha (larawan) ni Nataniel R. Bermudez
Nakiisa si Regional Executive Director Arnel V. de Mesa ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON sa paglulunsad ng “Agri and Fishery Farming Systems” ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna na ginanap sa Demonstration Farm Complex, Santa Cruz, Laguna noong ika-23 ng Enero, taong kasalukuyan.
“Binabati ko ang lokal na pamahalaan ng Laguna sa pangunguna ng Panlalawigan Agrikultor Marlon P. Tobias sa patuloy niyang pagbibigay ng halaga sa sektor ng sakahan at pangisdaan. Makakaasa kayo na laging bukas ang aming tanggapan sa pagtulong sa inyo,“ ayon kay RED de Mesa
Sinabi pa ni RED de Mesa na hinihikayat niya ang Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor, Municipal Agricultural Officers at mga technical staff na dumalo sa pagtitipon na tulungan ang mga programang ipinapatupad ng Kagawaran lalo na ang Rice Hybridization Program.
Bago matapos ang maikling palatuntunan ay nagkaroon din ng turnover ceremonies ng garden tools para sa sampung (10) samahan ng mga magsasaka tulad ng wheelbarrow, piko, pala at iba pa na pinangunahan nina; RED de Mesa, Assistant Regional Director Milo D. delos Reyes ng Operations at Extension ng Kagawaran, Engr. Enrique Layola, Regional Rice Focal Person, at Dr. Antonio P. Visitacion, Agricultural Program Coordinating Officer ng lalawigan.
Ang Laguna ay kabilang sa top 20 rice producing provinces at ang ranggo nito ay naglalaro sa pang-walo hanggang pang-sampung lalawigan na nangunguna sa buong Pilipinas.