Mahigit 180 manggagawang Pilipino sa ibang bansa (overseas Filipino workers) ng CALABARZON ang dumalo sa pagtitipon tungkol sa pamumuhunan sa negosyong pang-agrikultura (agribusiness investment forum) na isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka–Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) noong Mayo 7–9, 2019 sa El Cielito Hotel, lungsod ng Sta. Rosa, Laguna.
Ang tatlong araw na pagtitipon ay naglalayong matulungan at mahikayat ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa at mga kamag-anak nila, mga indibidwal, at korporasyon na makiisa at mamuhunan sa paghahayupan, pangisdaan, at pagpoproseso ng pagkain upang sila ay maging mga agri-entrepreneur o magkaroon ng agri-enterprise, at makatulong sa pag-unlad ng agrikultura sa CALABARZON.
Sa pagbubukas ng palatuntunan, sinabi ni Bb. Rowena S. Genete, Hepe ng Agribusiness Promotions Division ng AMAS, na ang aktibidad na ito ay isinagawa sa tulong ng Atikha Overseas Workers and Communities Initiative, Inc. at Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON.
Sinabi pa ni Bb. Genete na pangalawa na ang pagtitipong ito sa mga isinagawa ng AMAS sa mga rehiyon sa bansa upang maipakita na ang Kagawaran mismo ang lumalapit sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa upang maturuan sila ng mga pamamaraan sa pamumuhunan at maipakita sa kanila na malaki ang potensyal sa agrikultura para mamuhunan. Ito rin anya ang paraan upang magabayan sila kung paano pangalagaan ang kanilang mga pinaghirapan.
Sa aktibidad na ito ay ipinakita na ang CALABARZON ay may malaking potensyal para sa pamumuhunan sa negosyong pang-agrikultura at inalam din kung anu-ano pang tulong ang kailangan nila nang sa gayon ay tuluyan na silang maging bahagi ng programa.
Ang iba pang mga ahensiya at samahan na nakiisa sa pagtitipong ito ay ang Overseas Workers Welfare Administration Rehiyon 4-A, Laguna State Polytechnic University, HQC Poultry Farms, Sunlight Foods Corporation, Farmwaiz Family for Life Agriculture Cooperative, Agricultural Training Institute–International Training Center on Pig Husbandry, Teofely Nature Farms, Inc., Philippine Crop Insurance Corporation, at Agricultural Credit Policy Council. • NRB