Inilunsad noong ika-19 ng Oktubre ang Tayak Adventure, Nature, and Wildlife (TANAW) de Rizal Convergence Area Development, isang dalawampu’t apat (24) na ektaryang agro-eco-tourism park na magkakatuwang na proyekto ng Department of Agriculture (DA), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng Joint administrative order No. 01 of 2015 o ang “Strengthening the implementation of Framework for DA-DAR-DENR-DILG National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development.”
Pinangunahan nina DAR Undersecretary for Mindanao Affairs and Rural Development Atty. Ranibai D. Dilangalen, DAR Undersecretary for Support Services Atty. Emily O. Padilla, DAR Director for Administrative Service Cupido Gerry D. Asuncion, DENR Undersecretary for Environment and International Environmental Affairs Atty. Jonas R. Leones, DENR IV-A Regional Executive Director Nilo B. Tamoria, DENR IV-A OIC-Assistant Regional Director for Technical Services Alfredo Palencia, Bureau of Soils and Water Management Director Pablo M. Montalla, DA IV-CALABARZON (DA-4A) OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan, at DILG IV-A Regional Director Ariel O. Iglesia.
“This project is very promising for the municipality of Rizal because of its agricultural and livelihood activity towards the area. This promotes development without compromising the environment,” ani DA Secretary Dar.
Pangunahing layunin ng pagpapatayo nito ay ang pagkakaroon ng tourist spot sa Rizal, Laguna habang pinapalakas ang industriya ng organikong pagsasaka at ang pangangalaga sa kalikasan.
“Ang programa pong ito ay simula pa lamang ng ating iisang layunin na magkaroon ng agro-eco tourist spot dito sa Rizal na mapapakinabangan ng nakakarami. Patuloy pong magtutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan para rito,” ayon naman kay DA-4A Director Dimaculangan.
Tutulungan din ng parke na magkaroon ng dagdag na kabuhayan, hindi lang ang mga magsasaka kundi maging ang iba pang nakatira malapit dito.
Sa proyekto ring ito ay aayusin at imementina ang Tala-Malasena farm-to-market road (FMR), ang nag-iisang pangunahing kalsada patungo sa parke.
Nakapaloob sa parke ang nature park, 14 na stations of the cross, mini zoo, adventure activity area, farmers’ training center na pagdadausan ng mga capacity building training para sa mga magsasaka, trading post na pagbabagsakan ng mga produktong pang-agrikultura, at river rehabilitation and soil erosion control facility.
Inaasahang matatapos ang proyekto sa taong 2025.
Nakatanggap naman ng mga organikong pataba, mga binhi ng hybrid glutinous white corn, organikong pestisidyo, iba’t ibang binhi ng gulay, kalabaw, baka, seedling trays, plant growth enhancer, grass cutter, multi-cultivator, UV plastic, at plastic mulch mula sa DA-4A ang mga magsasaka ng Rizal.
Ang Kagawaran din ang mamamahala sa pagsasakongkreto ng Tala-Malasena FMR.
“Malaking tulong po sa amin ang mga interbensyon dahil malaking katipiran ito sa amin. Di na namin kailangang bumili ng mga kagamitan. Pati rin po ang FMR ay lubos po naming ipinagpapasalamat. Hindi na kabayo ang aming gagamitin sa pagdadala ng mga produkto. Mabilis nang makakarating ang mga ito sa pamilihan,” pagbabahagi ni Bb. Elisa B. Comendador, pangulo ng Sto. Nino Agro-fishery Farmers’ Association, Inc. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)