Isinulat ni Amylyn Rey-Castro
Mga Larawan, Kuha ni Sarah Almeyda/ORED
Nakiisa si Regional Director Arnel V. de Mesa ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON sa ginanap na “Araw ng Magsasaka” na may temang, “Halika! Tara na, Agawan Festival na! Makulay, masigla. Gilas Sariaya!” noong Mayo 13, 2018 sa Pamahalaang Bayan ng Sariaya sa lalawigan ng Quezon.
Binigyang-diin niya sa kaniyang mensahe ang patuloy na pagtutulungan sa pagtataguyod ng mga programa ukol sa agrikultura sapagkat ang seguridad sa pagkain ay anya pangunahing alalahanin ng bawat isa sa atin. Tiniyak din niya na sa pangunguna ng Kalihim ng Agrikultura na si Emmanuel F. Piñol ay pinag-iibayo ng ahensya ang pagpapatupad ng apat na pangunahing sangkap sa pagsisiguro na may pagkain ang bawat Pilipino at mapabuti ang buhay ng ating mga magsasaka at mangingisda. Ang mga ito ay ang credit o pautang sa indibidwal o grupo ng mga magsasaka, teknolohiya na kinapapalooban ng research at development, mekanisasyon o patuloy na paggamit ng mga kagamitang pangsaka, at marketing o direktang pagbebenta ng kanilang mga ani at iba pang mga produktong pang-agrikultura.
Ang nasabing pagdiriwang ay bilang pasasalamat at pagbibigay papuri ng mga mamamayan ng Sariaya, lalo na ang mga magsasaka, sa tulong na ipinagkaloob at patuloy na ipinagkakaloob sa kanila ng patron ng mga magsasaka na si San Isidro Labrador.