Makakatanggap ang The Rosario Livestock and Agriculture Farming Cooperative (TRLAFC) ng Rosario, Batangas ng pinansyal na tulong na nagkakahalaga ng P1,425,000 mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON, sa pamamagitan ng Enhanced KADIWA Program.
Nilagdaan nina DA-4A Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan at TRLAFC President Hilarion D. Marasigan noong ika-9 ng Setyembre ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa ipagkakaloob na tulong sa nasabing kooperatiba.
Ang isang milyong piso mula sa tulong-pinansyal ay ipambibili ng isang delivery vehicle na gagamitin upang mas mapabilis ang pagdadala ng mga produktong gatas sa iba’t ibang bahagi ng CALABARZON at Metro Manila. Ang natitira namang halaga ay ipambibili ng milk pasteurizer tank at form-fill seal machine na gagamitin sa pagpapabili at pagdoble ng produksyon ng gatas.
“Natutuwa at nagpapasalamat po kami sa DA-4A dahil sa napakalaking tulong na maibibigay sa amin ng halagang ipagkakaloob nila. Kami ay kulang talaga sa gamit. Sa pamamagitan nito ay mas mapapabilis ang aming trabaho. Mas magiging madali ang pag-iipon namin para sa planong pagbili ng lupa at pagpapatayo ng building,” ani G. Marasigan.
Dinaluhan nina Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) Chief Editha M. Salvosa, iba pang mga empleyado ng DA-4A, at ilang miyembro ng TRLAFC ang isinagawang pirmahan ng MOA. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)