Bagong perspektibo sa sektor ng agrikultura ang hatid ng isinagawang virtual Information Caravan on Agriculture for Youth ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa pakikipagtulungan ng Department of Education IV-A, 856 na dumalong kabataan at guro sa rehiyon noong ika-20, 21, 27, 28, at 29 ng Oktubre.
“Noon, ang tingin ko sa agriculture, pagtatanim lang. Ngayon, lalo akong nagkainteres dito. Maraming course, maraming opportunities sa agriculture,” ani Ashley Eleonor, high school student mula sa probinsya ng Rizal.
Layunin ng info caravan, na may temang “Kabataan Pag-asa ng Bayan, Pag-asa ng Sakahan,” na maipakilala sa mga kabataan ang sektor ng agrikultura at ang iba’t ibang propesyon at oportunidad na maaaring pasukin dito. Ito ay para mahikayat ang mga kabataan na magtrabaho sa sektor na ito.
“Napakahalaga na magkaroon ng susunod na salinlahi na magpapatuloy ng ginagawa ng ating frontliners against food insufficiency. Patunay na kayo, mga kabataan, ang pag-asa ng bayan, pag-asa ng sakahan,” ani DA-4A OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan.
“Napakalawak ng farming. Pwede mong i-integrate sa agriculture ang iba mong hilig. Halimbawa, pwede kang mag-agri-tourism o agri-engineering,” dagdag pa ni Reden ‘Agrillenial’ Costales, isa sa mga naging tagapagsalita sa info caravan.
Nakatulong din ang info caravan na lalong maengganyo ang mga kabataang interesado na sa agrikultura na magpatuloy sa hangarin na maging bahagi ng sektor na ito.
“Minsan, nagda-doubt ako na magpatuloy dito sa course ko. Pero dahil dito [info caravan], na-enlighten ako na marami pa pala akong pwedeng mapuntahan ‘pag natapos ko ang kursong ito,” ani Alexandra D.L. Simon, Bachelor of Science in Agriculture student.
Tinalakay sa info caravan ang tungkol sa ebolusyon ng agrikultura, mga kursong may kaugnayan dito, at mga programa ng DA-4A para sa mga kabataan.
“Very enlightening and youthful ng thoughts na ibinahagi ng resource speakers. Ngayon lang namin nalaman na may opportunities pala like scholarships and other jobs related sa agri. As a parent, pwede akong makatulong na kumbinsihin ang aking anak na kumuha ng agri courses,” ani Aara Zahra D. Abdul Rauf, participant mula Cavite. #### ( Reina Beatriz P. Peralta/ 📸Angelo R. Tasico, DA-4A RAFIS)