Pormal nang isinagawa ang groundbreaking ng itatayong tanggapan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) nitong ika-3 ng Hunyo, 2022 sa Lipa City, Batangas, sa pangunguna ni Assistant Secretary for Operations at Regional Executive Director Engr. Arnel V. de Mesa, at Senate President Pro-Tempore, Senador Ralph G. Recto.
Dahil sa inisyatibo nina Senador Recto at ng kinatawan ng ika-anim na Distrito ng Batangas, Congresswoman Vilma Santos-Recto, naging posible ang paglaan ng aabot sa 200 milyong pisong halaga sa apat na palapag na gusali na may sukat na 8,673.62 kwadrado metriko.
Kasabay nito ay ang pagpapasinaya ng multi-purpose facility at ang circumferential road and drainage ng Lipa Agricultural Research and Experiment Station ng ahensya.
Matatandaang mula Hulyo ng taong 2020, sa gitna ng pandemya, ay nagsimulang magbigay serbisyo ang ahensya mula sa research station nito sa Lipa City, Batangas. Naglalayon itong mas mailapit sa mga magsasaka ng rehiyon ang anumang programa, proyekto, at mga tulong na ibinibigay ng Kagawaran. Ito rin ay naging hudyat ng mas pinaigting na pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan sa CALABARZON.
Ipinahatid ni Department of Public Works and Highways (DPWH) IV-A Director Jovel Mendoza ang kaniyang pagbati sa DA-4A sa malaking proyektong ito.
“We are very excited to start the construction operation of the building and rest assured that our team in DPWH will exert all our efforts and will try and complete this project and fulfill the delivery to DA in time as scheduled,” ani Director Mendoza.
Sa kaniyang mensahe, ipinaabot ni ASec. de Mesa ang kaniyang taos-pusong pasasalamat kina Senador Ralph Recto at Congresswoman Vilma Santos-Recto sa pagpursigi na malaanan ng karampatang pondo ang proyekto.
Pinaalalahanan din niya ang buong pamilya ng DA-4A tungkol sa importansya ng serbisyong hatid ng opisina.
“Sa mga kasamahan ko po rito sa Department of Agriculture Region IV-CALABARZON, nawa’y patuloy tayong maging masigasig, dedikado, at mahusay sa pagpapatupad ng tungkulin. Paglingkuran po natin ang ating stakeholders lalo na po ang ating mga magsasaka at mangingisda, at iba pa po na ating partners dito sa ating rehiyon,” ani ASec. de Mesa.
Masayang pagbati naman ang ipinarating ni Senador Recto para sa buong pamilya ng DA-4A.
“I thank all of you for your service to our nation. Maraming salamat sa inyong lahat! Marami pa tayong gagawin and I look forward to visiting you dito sa bagong tahanan ninyo. Mabuhay po kayo!,” ani Sen. Recto.
Naging saksi sa aktibidad sina Lipa City Vice-Mayor Mark Aries Luancing kasama ang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan ng Lipa; mga opisyal, kinatawan, at kawani ng DPWH IV-A; Regional Agricultural and Fishery Council Chairman Pedrito R. Kalaw; Regional Technical Director for Operations Engr. Abelardo R. Bragas; Atty. Patricia Dimayuga; mga hepe ng mga dibisyon at istasyo; at mga kawani ng DA-4A.
#### (✍📸 Chieverly Caguicla)