Tiyak na ang pamimigay ng 150 baka at 150 kalabaw ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON sa mga susunod na araw.
Ayon kay Gng. Vilma M. Dimaculangan, Regional Livestock Coordinator ng Kagawaran dito sa CALABARZON, ang pagbibigay na gagawin ay bunsod sa kahilingan ng mga magsasaka sa mga alagaing hayop.
Ang mga baka ay ang pinalahing Native at Brahman na mangagaling sa Masbate, at ang kalabaw ay mula sa sariling lahi ng kalabaw ng bansa. Dalawa ang pagbabagsakan ng kalabaw at baka; sa tanggapan ni APCO Fidel Libao sa Marawoy, Lipa City at ang pangalawa ay sa tanggapan ni APCO Rolly Cuasay sa QAES, Tiaong, Quezon.
Idinagdag pa ni Gng. Dimaculangan, “na ang mga kalabaw ay pwede ng kunin sa biyernes (21 Hunyo 2019) at ang mga kukuha ay dapat magdala ng sariling panali. Ang uspan dyan ay kung saan kayo malapit ay doon kayo kukuha ng inyong hayop.”
Upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga baka at kalabaw na ipamamahagi ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON sa ilalim ng Programang Pangkabuhayan ng Livestock Banner Program, isang pagsasanay ang isinagawa noong ika-18 ng Hunyo sa Southern Tagalog Integrated Agricultural Research Center (STIARC), Lipa City, Batangas.
Ang pag-aaral ay tinagurian “Technical Briefing for the Recipients of Animals under Livelihood Assistance Program na nasa pangangasiwa ni Gng. Dimaculangan. Ito ay dinaluhan ng mahigit na 100 na magsasaka at mga teknisyan na susubaybay sa mga magsasakang tanggap ng 150 na baka at 150 rin na kalabaw.
Ang mga taga-pagsalita na nagbigay ng kanilang mga field of expertise on Livestock Production ay sina: Dr. Jerome Cuasay, Veterinarian/Livestock Program Report Officer; APCO Fidel Libao ng Batangas; Mr. Antonio I. Zara, Senior Agriculturist; Dr. Princess Diana Flores, Vet. III ng RADDL; Mr. Michael K. Lalap, Agriculturist I; Ms. Clarissa B. Moral, Agricultural Technologist at si RAFC Chairperson Pedrito R. Kalaw.
Bago umuwi ang mga tatanggap, ay lumagda muna ng Memorandum of Agreement (MOA) at ang pagsasaayos ng mga papeles ay pinapangasiwaan naman ng mga staff ng livestock banner program.
Matatandaan na ang sistemang gagawin ay ganito. Pagkatapos ng dalawa o tatlong taon, ang baka at kalabaw ay manganganak. Ang unang anak na babae ay kanilang isasauli at ito naman ay ipa-aalaga sa iba. Kung ang anak ay lalake ito ay ipagbibili at ang halagang mapagbibilhan ay siya naman ibibili ng babaeng baka para sa susunod na mag-aalaga. Hanggang ito ay gumulong nang gumulang.• NRB, DA-RAFIS