Isinusulong ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing
Assistance Division (AMAD) ang paggamit ng makabagong plataporma sa pagsubaybay sa presyo ng
mga agrikultural na produkto, ang Bantay Presyo Monitoring System (BPMS).

Ang BPMS ay isang website para sa pangongolekta, pagmomonitor, at pag-aanalisa ng datos ng
presyo sa merkado ng mga agrikultural na produkto sa buong bansa. Layunin nitong magbigay ng
malawakan, napapanahon, tiyak, at mapagkakatiwalaang impormasyon ng presyo para sa mga
konsyumer, prodyuser, retailer, at sa iba pa.

Magsisilbi rin itong gabay para sa mga namamahala sa Kagawaran at bahagi ng Regional Bantay
Presyo Monitoring Team (RBPMT) sa pagpapanukala ng mga polisiya, estratehiya, at proyekto
pagdating sa pagkontrol ng presyo.

Kaugnay nito, pinulong ng DA-4A AMAD ang RBPMT kasama ang mga bahagi ng lokal na pamahalaan
noong ika-25 ng Oktubre upang ipakilala ang makabagong sistema sa tulong ng digital media.
Gayundin ang lagay ng suplay at demand sa merkado, mga gabay sa pagmomonitor, at mga isyung
namamataan.

Ayon kay AMAD Chief Editha Salvosa, patuloy ang pagkilos ng DA-4A sa pakikipag-ugnayan upang
direkta nang makapag-encode ang RBPMT sa nasabing website at hindi na dumaan sa mahabang
proseso ng pagpapasa ng datos.

Inaasahan na sa mga susunod na buwan ay makapaggawa ang bawat isang kawani ng RBPMT ng user
account at sumailalim sa ebalwasyon ng nasyonal upang magawa ito sa kani-kanilang mga cellphone,
laptop, o tablet. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)