Ang brown planthopper (BPH) o kilala rin sa tawag na kayumangging ngusong kabayo o hanip sa palay ay isang uri ng peste na matatagpuan sa katawan ng palay na nag-uumpisa sa panahon ng pagsusuwi. Ang mataas na populasyon ng mga ito ay nagiging sanhi ng pagkakaroon ng itim na amag na makikita sa katawan ng palay at pagkatuyo ng tanim.
Ilan sa mga kadahilanan sa pagdami ng BPH ay ang mga sumusunod:
Maagang paggamit ng lasong nakakapatay ng kaibigang kulisap (Bago mag-30 araw pagkalipat tanim)
Sobrang paglalagay ng patabang nitroheno tulad ng urea na nagpapalambot sa halaman
Hindi magkakasabay na tanim sa magkakatabing palayan
May mga paraan kung paano maiiwasan ang pagkakaroon ng BPH sa inyong palayan. Nakasasalay ito sa ilang hakbangin na kailangan gawin bago magtanim, paglaki hanggang pagbunga ng palay, at pagkatapos mag-ani.
Bago magtanim, siguraduhing naararong mabuti ang lupang pagtataniman. Taniman ang magkakaratig na bukid na hindi hihigit sa 30 araw ang agwat. Marapat din na pumili ng barayti ng palay na may angking tibay laban sa BPH na itatanim nang magkakasabay.
Sa paglaki hanggang sa pagbunga ng palay naman, bisitahin nang madalas ang inyong palayan. Hawiin ang mga suwi ng palay upang ma-monitor ang pagdami ng peste. Siguraduhing nasusunod ang tamang rekomendasyon ng paglalagay ng patabang nitroheno at pag-spray ng pestisidyo. Ang malamig na kondisyon ay paborable sa BPH kaya naman kung napansing dumarami ang bilang ng peste hanggang sa 10 kada puno ng palay, igahin ang bukid mula tatlo hanggang apat na araw upang uminit ang kondisyon sa loob ng palayan. Bukod pa rito, magbomba ng Insect Growth Regulator upang mapuksa ang mga inakay at mapigilan ang pagpapalit-balat ng mga ito.
Pagkatapos mag-ani, araruhin agad ang lupa upang mapatay ang mga peste na nasa gapasan. Tandaan din na kailangang ipahinga ang lupa ng isa hanggang dalawang buwan matapos mag-ani at bago magtanim upang maputol ang inog ng buhay ng BPH.
Para sa karagdagang impormasyon, tulong, o gabay ukol sa Brown Planthopper, mangyaring makipag-ugnayan sa inyong Panlungsod o Pambayang Agrikultor; Provincial Integrated Pest Management (IPM) Coordinators sa CALABARZON: Delio Rozul (Cavite) โ 0919-611-5707, Engr. Martin Luther Eleria (Laguna) โ 0917-712-9188, Rafael Romulus Catada (Batangas) โ 0908-880-7686, Jonathan Sta. Ana (Rizal) โ 0905-026-5967, at Junvee Ronquillo (Quezon) โ 0946-437-9636; o sa Regional Crop Pest Management Center (da4_rcpc@yahoo.com at da.rcpc4a@gmail.com).