Iginawad ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) ang Cacao Processing Facility sa Samahan sa Industriya ng Cacao na Pangkabuhayan (SICAP)-Sariaya noong ika-25 ng Marso.
Ang iginawad na pasilidad ay parte ng Coconut-Cacao-Based Enterprise Development Project sa ilalim ng Republic Act 11524 o ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act.
“Layunin ng proyekto na isulong ang crop diversification ng kape at kakaw na magbibigay ng angat at yumayabong na hanapbuhay para sa mga magsasaka,” ani DA-4A High Value Crops Development Program (HVCDP) Coordinator Engr. Redelliza A. Gruezo.
“Ang pasilidad na ito ay magsisilbing palatandaan na mayroon nang kumpletong value-chain ang mga magsasaka ng rehiyon. Sa proyektong ito ay maipapakita na hindi na lamang sa produksyon ng kape at kakaw ang kakayahan ng sektor kundi sa pagpoproseso at pagbebenta ng mga produkto,” ani OIC-Regional Technical Director for Operations and Extension Engr. Abelardo R. Bragas.
Ilan pa sa naipagkaloob sa SICAP-Sariaya ay ang iba’t ibang makinarya tulad ng cacao roaster, huller, grinder, at colloid mill; plant nursery; grafted cacaco seedlings; inorganic fertilizer at organic pesticide-neem tonic; at garden tools.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina DA HVCDP Director Gerald Glenn Panganiban, Philippine Coconut Authority Region IV Acting Regional Manager Joselito Alcantara, Quezon Agricultural Program Coordinating Officer G. Rolando Cuasay, Quezon Acting Provincial Agriculturist Gng. Leonellie G. Dimalaluan, at iba pang kawani ng DA-4A.