Ipinagmalaki ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON ang Café Amadeo at Sarilikha Handicrafts sa pagkakasali sa mahigit 350 exhibitors sa Manila Fame 2019 na ginanap sa World Trade Center noong ika-17 hanggang sa ika-19 ng Oktobre.
Ang layunin ng Manila FAME ay isulong sa pandaigdigang pamilihan ang mga magagandang uri ng likhang kagamitan at produkto na gawa ng mga exhibitors.
Ang Café Amadeo (Café Amadeo Development Cooperative) na pinamumunuan ni Ma. Agnes M. Malansacay ng C.M. Delos Reyes Avenue, Brgy. Dagtanan, Amadeo, Cavite ay tahanan ng pinakamahusay na brewed coffee sa Amadeo. Ang mga produkto nila ay mga purong Excels, Arabica, Robusta, Liberica at especial blend-brewed coffee na Pahimis at Premium Blend. Nakalagay ito sa magagarang lalagyan, kagaya ng Coffee in Jute Bag, Coffee in Plastic Pack & Teabag, Coffee in Foil Pack at Coffee in Pouch Bag.
Samantala, ang Sarilikha Handicraft ay pagmamay-ari naman ni G. Cesar C. Pasco ng Brgy. San Antonio Pila, Laguna. Nag-umpisa lamang ito sa maliit na puhunan (Php 250.00) noong 2009. Naglilila din sila ng mga katutubong kagamitan mula sa pandan at Water Hyacinth (water Lily). Sa ngayon ay nakakapagbigay na ng mataas na uri ng bag, tsinelas, gowns at mga sariling likhang kagamitan (crafts) buhat sa nabanggit na halaman. (NRB, DA-RAFIS)