CALABARZON Livestock Congress 2024, idinaos ng DA-4A
Sa pagdiriwang ng Oktubre bilang buwan ng paghahayupan, idinaos ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) at Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang Regional Livestock and Poultry Congress 2024 noong ika-4 ng Nobyembre sa ATI-ITCPH, Lipa City, Batangas.
Nilayon ng Congress na talakayin ang estado ng paghahayupan sa rehiyon, partikular ang kaso ng African Swine Fever (ASF), pagsasagawa ng Artificial Insemination (AI), at lagay ng pagpaparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Dito ay nabigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na magtanong at magbigay ng suhestiyon ukol sa mga isyu sa sektor na tinugon ng mga kawani sa Kagawaran kasama ang iba pang ahensya gaya ng National Meat Inspection Service (NMIS), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), Landbank of the Philippines (LBP), Agricultural Credit Policy Council (ACPC), at Development Bank of the Philippines (DBP).
Ayon kay National Livestock Program Director Dr. Jonathan Sabiniano, malaki ang parte ng produksyon ng livestock sa ekonomiya ng bansa lalo na ang rehiyon ng CALABARZON na nangunguna rito. Kaya naman aniya ay patuloy ang pagsusulong ng DA ng mga programa na nakasentro sa pagmementena nito lalo na ang gatas at itlog.
Samantala, tampok din sa aktibidad ang pagbebenta ng mga produktong livestock at iba pa ng Lipa Pasalubong Marketing Cooperative, Batangas Egg Producers Multipurpose Cooperative (BEPCO), The Rosario Livestock and Agriculture Farming Cooperative, at Rootcrops Growers Agriculture Cooperative. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)