Inilunsad ng Batangas Pork Council kasama ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang Compartmentalization of Swine Farms Program tungo sa mas pinaigting na pagkontrol sa sakit na African Swine Fever (ASF) noong ika-8 ng Nobyembre sa Batangas City, Batangas.
Ito ay pinangunahan ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban, DA-4A OIC-Regional Executive Director Milo delos Reyes, National Livestock Program Director Dr. Ruth Miclat-Sonaco at Batangas Vice Governor Mark Leviste.
Sa nasabing programa, magkakaroon ng kompartimento ng populasyon ng mga baboy kung saan ang mga ito ay sasailalim sa masusing biosecurity management system na pagtutulungan ng pribadong sektor, Panlalawigang Lokal na Pamahalaan ng Batangas, at DA. Parte nito ay ang mahigpit na pagbabantay at pagpapatupad ng mga biosecurity measures upang mapigilan ang ASF at upang magtuloy-tuloy ang suplay ng baboy sa merkado.
Kasabay ng patuloy na implementasyon ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE), Bantay ASF sa Barangay, at Clustering and Consolidation Programs ng DA ay inaasahan na mas makokontrol ang ASF at magpapatuloy at mapapalakas ang produksyon ng baboy. #### (Radel Llagas)