Sa Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) Program, hindi lamang ang mga magbabalik-probinsya ang sinusuportahan, maging ang mga komunidad din na kanilang babalikan.”
Ito ang binigyang-diin ni Bb. Wendy Dunasco, Planning Officer ng BP2 Program ng Department of Agriculture (DA) sa isinagawang pamamahagi ng mga kagamitan, pananim, at hayop sa ilalim ng nasabing programa para sa mga magsasaka ng Brgy. San Jose at Brgy. Calawis sa Antipolo City, Rizal.
Ito ay alinsunod sa layunin na tulungan ang mga magsasakan na pasiglahin ang agrikultura sa mga komunidad na susuporta sa kabuhayan ng mga mamamayan lalo na ng mga magbabalik-probinsya.
“Umaaasa kaming mapapagtagumpayan ninyong lahat ito upang may sapat pa rin kayong suplay ng pagkain sa kabila ng pandemya, kaguluhan sa Ukraine, at pagtaas ng mga bilihin. Kasabay nito ay tututukan din namin ang BP2 Program at iba pang programa ng DA upang patuloy kayong masuportahan,” ani DA Assistant Secretary and DA IV-CALABARZON (DA-4A) Regional Executive Director Arnel V. de Mesa sa sampung samahang benepisyaryo.
Samantala, hinikayat naman nina Bb. Dunasco at Bb. Amor dela Cruz, DA-4A Alternate Focal Person ng BP2 Program ang mga samahan na pagyamanin ang mga tulong na kanilang makukuha. Hinikayat din ni Bb. dela Cruz na magpa-accredit bilang Civil Society Organization ang mga samahan upang magkaroon sila ng kwalipikasyon at kakayanan na magsagawa ng mga mas malalaking proyekto.
“Patuloy sana kayong magsikap para makatayo ang inyong samahan sa sarili ninyong kakayahan nang sa kalaunan ay makatulong din kayo sa mga kapwa ninyo magsasaka, lalo na ang mga mamamayang magbabalik-probinsya,” dagdag ni Bb. dela Cruz.
Bilang tanda ng kanilang partisipasyon at pagpapahalaga sa mga tulong na makukuha mula sa BP2, pumirma ng Memorandum of Agreement ang sampung samahan kasama ang DA-4A.
Napagkalooban sila ng garden tools, grass cutters, knapsack sprayers, fertilizers, sprinklers, calamansi seedlings, shredder machines, kambing, manok, at black net. Bukod dito, makakakuha rin sila ng mga pagsasanay, mga Climate Resilience Decision Support Tools na gagabay sa kanilang pagtatanim, at iba pang suporta mula sa produksyon hanggang marketing.
“Salamat dahil mapapagaan nito ang aming trabaho sa bukid at mapapalakas pa nito ang kabuhayang pagsasaka dito sa aming komunidad. Pagyayamanin namin ito sa pamamagitan ng aming pagtutulungan, pagbibigayan, at pagdadamayan,” ani G. Jimmy Garcia, pangulo ng Malayang Samahan ng mga Katutubo ng Antipolo, Inc.
Dumalo rin sa kaganapan sina Dr. Rene Ofreneo ng Integrated Rural Development Foundation, isa sa mga katuwang ng DA sa BP2 Program, Rizal Agricultural Program Coordinating Officer Bb. Mary Ann Gajardo, Bokal Bobot Marquez, Bb. Mamalyns Dion ng Antipolo City Agriculture Office, at Bb. Ma. Cornelia Vergara ng Antipolo City Veterinary Office.
#### ( My Bejasa)